Ilang araw na rin akong tahimik. Normal naman talaga sakin yung pagiging tahimik. Mas abnormal nga kung maingay ako eh. Pero dahil hindi ko na kaya, sige aminan na. Umaapaw na eh. Mabigat na. Kailangan nang magbawas. Pagod na rin akong umiyak nang umiyak. Kahit gumagaan yung pakiramdam ko pag iniiyak ko to, wala pa rin namang nababago kung yun na lang yung gagawin ko.
Naguguluhan ako. Naguguluhan ako sa gusto kong mangyari sa buhay ko ngayon. Bigla ko lang tong naisip nung isang araw, habang pauwi na ko, kung masaya pa ba ako. Kung masaya pa ko sa nangyayari sakin ngayon. Para akong tinamaan sa tanong. Kasi di ko nasagot. Kasi di ko na alam yung sagot.
Madali lang magpanggap sakin na okay ako, na masaya ako. Kasi magaling ako dun eh. Great pretender daw ako eh. Pero unti-unti na ring napapansin ng mga kaibigan kong may mali. Bumagsak na yung pader. Pilit kong binubuo, pero wala na. Malaki na yung damage. Obvious na. Kahit ilang beses akong magsinungaling na okay ako, na ngumiti at sabihing wala akong problema, wala na. Hindi na nila ako paniniwalaan. At ayoko na rin silang lokohin. Ayoko lang namang makita nila na hindi ko na kaya. Ayokong makita nilang mahina ako.
Ang hirap eh. Gusto ko na rin ng karamay, ng kasamang magbuhat, pero paano ako hihingi ng tulong ? Paano ko ipapaintindi sa kanila yung nangyayari sakin, kung ako mismo, hindi ko rin alam kung anong nangyayari ? Kung ako mismo, naguguluhan ? Isang tanong lang yan, pero ang laki agad ng epekto sakin.
Doubts, fears, jealousy, pressure, disappointments. Sila yung gumugulo sakin ngayon. Sila yung ugat ng problema ko. Kaya siguro hindi ko na alam yung sagot sa tanong ko, kasi dahil sa kanila. Kaya siguro hirap na hirap na kong maging masaya, kasi dahil sa kanila.
Isa lang naman ang gusto kong mangyari sa ngayon. Yung bumalik ako sa dati. Yung masaya ako. Di ko naman hinihiling na mawala yang mga yan eh. Gusto ko lang, yung hindi na nila ako maapektuhan. Gusto ko lang silang ma-conquer. Kaso bakit hirap na hirap naman. Bakit ang hirap maging masaya ? Hindi ko alam kung madali lang talaga yung problema ko, o pinapahirapan ko lang ang sarili ko eh.
Alam kong ako lang ang makakatulong sa sarili ko. Alam kong ako lang din ang makakahanap ng sagot sa tanong ko. Kung kailan ko mahahanap, hindi ko alam. Pero sa ngayon kailangan ko ng simulan ang pagbabalik ko sa normal. Maraming tao na yung nag-aalala. Marami na rin akong taong natataboy. Ayokong dumating sa punto na magsawa na sila sakin.
Sooner or later, magagawa ko rin silang i-conquer. Kaya ko silang i-conquer, ako pa ? Tapos, magiging masaya na ulit ako. Pag nangyari na lahat yun, tatawanan ko na lang ang sarili ko pag binasa ko ulit to.
Labels: personal
0 comments:
Post a Comment