Ang ganda ng gising ko kanina. Hindi ko alam kung bakit, pero sinalubong kong nakangiti ang araw na to. Pwede pala yun, yung gigising ka na lang bigla ng nakangiti ka agad. Siguro dahil naayos ko na yung ibang gulong nagawa ko ng hindi sinasadya. Sabihin na nating hindi pa rin ganun kaayos, pero papunta na dun. Dahil maganda ang gising ko, napakapositibo ng aura ko. Magandang simula na linggo, sabi ko sa sarili ko. Gusto kong magtuloy-tuloy to. Kaya napagdesisyunan kong opisyal na simulan ang pagbabalik ko sa normal. Sabi ko nga, no more drama. Tinapos ko na kahapon yun. Kaya ngayon, uumpisahan ko ng ayusin yung gulo sa sarili ko. Hindi ako maghahanap ng solusyon. Hihintayin ko yung solusyon. Hindi dapat hinahanap yung sagot sa kung masaya ba ako, kasi hinihintay yun. Kung gaano katagal ang paghihintay ko, hindi ko alam. Kung dadating ba yun, hindi ko rin alam. Ang alam ko lang, kaya ko ring pasayahin ang sarili kung gugustuhin ko. Nandyan naman yung mga taong nagmamahal sakin. Nandyan pa rin yung mga taong kailangan ko, yung mga nagpapalakas ng loob ko. May dahilan pa rin ako para sumaya. Ang gagawin ko lang ay iko-conquer ko yung mga gumugulo sakin. Paano ? Sabi nila, hindi mo mapapatay ang apoy, kung apoy din ang gagamitin mo. Ganun lang.
Pumunta ako dun sa lugar kung saan tatlong araw ko ng pinupuntahan para iiyak lahat ng mabigat na nararamdaman ko. Pero ngayon, pumunta ako dun ng nakangiti. Nag-vow ako, na hindi na ulit ako iiyak sa lugar na yun. Huling iyak ko na yung kahapon. Huling iyak ko na yun sa issue ko sa sarili ko. Tinapos ko na lahat sa lugar na yun. At sa parehong lugar, sisimulan ko ang ang pag-aayos sa sarili ko.
Umuwi ako, at lumabas na sa kwarto ko. Ilang araw na rin kasi akong nagkukulong dun. Nakihalubilo ulit sa pamilya ko. Ayos.
Tapos na yung unos. Tapos na talaga. Hiling ko na lang, sana wala ng sumunod. Kung meron pa, sana hindi na umabot ulit sa ganito.
Labels: personal
0 comments:
Post a Comment